-- Advertisements --

Naglabas na ng opisyal na pahayag ang pamilya Ranillo kaugnay sa pagpanaw ng tinaguriang Queen of Visayan Movies na si Gloria Sevilla.

Ito’y isang araw matapos pumanaw si Sevilla sa edad na 90 sa Oakland, California.

Ayon sa naulilang pamilya, payapa namang sumakabilang-buhay ang beteranang aktres habang ito ay natutulog lamang.

“We appreciate all those praying for the repose of her soul. Thank you,” dagdag ng mga ito.

Nabatid na pawang mga nasa Amerika na rin ang mga anak ni Sevilla kung saan agad na pumunta ang mga ito sa tahanan ng kanilang ina sa Oakland.

Kabilang sa kanyang mga anak na sumunod sa kanyang yapak sa mundo ng showbiz ay sina Mat III, Dandin at Suzette. Apo naman ni Gloria ang dating sexy na si Krista Ranillo na maybahay na ngayon ng negosyanteng si Nino Lim.

Inaasahang maglalabas din ng opisyal na pahayag ang MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) kung saan nagsilbing board member ang namayapang aktres.

Sa ngayon ay hinihintay pa ang desisyon ng pamilya Ranillo tungkol sa mga detalye sa burol at araw ng libing ng veteran actress.