Tuluyan nang dinismiss ng Detroit Pistons si head coach Monty Williams, matapos ang isang season na kanyang pananatili sa koponan.
Inanunsyo ito ni Pistons owner Tom Gores, kasabay ng pagpapasalamat sa batikang coach.
Ayon kay Gores, nagawa ni Williams na hawakan ng maayos ang naging hamon sa Pistons kasabay ng kanyang pananatili dito. Gayunpaman, matapos ang aniya’y review at assessment na ginawa ng management sa kasalukuyang estado ng Pistons ay napag-desisyunan ng koponan na bitawan na si Williams.
Si Williams ay dating nagsilbi bilang head coach ng Phoenix Suns kung saan nagawa niyang dalhin ang koponan sa Finals, kasama ang mga NBA stars na sina Chris Paul at Devin Booker.
Gayunpaman, sa pagpasok niya sa Pistons bilang head coach ay umabot lamang sa 14 wins ang kanyang naipanalo, habang tumambak sa 68 ang kabuuang pagkatalo.
Naitala rin ng Pistons ang 28 games na sunod-sunod na pagkatalo, ang pinakamahaba sa kasaysayan ng NBA, habang papalit-palit ang koponan ng mga player na naglalaro bilang starting-5.
Sa kasalukuyan ay hindi pa malinaw kung saan pupunta si Williams matapos ang kaniyang pagkakatanggal bilang headcoach ng koponan.
Sa kasalukuyan ay pangatlo na ang Pistons sa mga team sa NBA na nabakante ang head coach, kasunod ng Cleveland Cavaliers at Los Angeles Lakers.