Umkayat na sa 10 katao ang nasawi na pawang mga Syrian national sa inilunsad na strike ng Israel sa isang residential building sa Nabatieh city sa southern Lebanon nitong Sabado ayon sa Lebanese health ministry.
Kabilang sa mga nasawi ang isang babae kasama ang kaniyang 2 anak habang sugatan ang 5 iba pa kung saan 2 ang nasa kritikal na kalagayan.
Ayon naman sa Israeli military, kinumpirma nilang tinamaan ng kanilang air force ang weapons storage facility ng Hezbollah sa magdamag sa may Nabatieh, 12 kilometers mula Israeli border.
Matatandaan na tumindi pa ang tensiyon sa rehiyon sa mga nakalipas na araw matapos ang mapaminsalang rocket strike sa okupado ng Israel na Golan Heights na isinisi sa Lebanese militant group na Hezbollah.
Tinugunan naman ito ng Israel ng strike na ikinasawi ng top Hezbollah commander na si Fuad Shukr sa Beirut.
Nangako naman ang Hezbollah na ipaghihiganti nila ang pagkasawi ng kanilang lider gayundin ang kanilang kaalyadong Iran nagbanta ring maghihigante dahil sa pagkasawi naman ng Hamas political leader na si Ismail Haniyeh sa kanilang mismong teritoryo sa Tehran.
Kaugnay nito, noong unang bahagi pa lamang ng Agosto nag-isyu na ng travel warnings ang ilang bansa sa pagbiyahe sa Lebanon kabilang ang India, Turkey, US, Australia, Indonesia, UK, Canada, France at Italy na naghihikayat sa kanilang mamamayan na lisanin o iwasang magtungo sa Lebanon sa gitna ng tumitinding banta sa seguridad dahil sa mga tensiyon sa pagitan ng mga bansa sa Middle East.
Nitong Sabado, naglabas na rin ng advisory ang Embahada ng Pilipinas sa Lebanon na naghihimok sa lahat ng mga Pilipino na naroon sa naturang bansa na agad ng lumikas habang nananatiling operational ang paliparan sa Beirut sa gitna ng pinangangambahang pagsiklab ng all-out war sa pagitan ng Hezbollah at Israel.