Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na kabilang ang 3 overseas Filipino workers (OFWs) sa nasawi sa sumiklab na sunog sa isang residential building sa Kuwait noong umaga ng Miyerkules.
Ayon kay Migrant Worker Secretary Hans Leo Cacdac, nasawi ang 3 ofws dahil sa smoke inhalation.
Ang mga biktima ay kasama sa 11 OFWs na nagtatrabaho sa iisang Kuwaiti construction company na nasa gusaling nasunog.
Ayon sa DMW, nananatiling nasa kritikal na kondisyon ang 2 OFWs na nasa ospital habang ang 6 na iba pa ay ligtas at hindi nasugatan.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang mga opisyal ng PH sa lahat ng pamilya at kamag-anak ng 11 apektadong OFWs.
Inatasan na rin ng kalihim ang OWWA at Migrant Workers Office sa Kuwait na makipagtulungan sa pagsisikap ng Embahada ng PH sa Kuwait para marepatriate ang labi ng 3 nasawing OFWs.
Tiniyak naman ng kalihim na magbibigay ang pamahalaan ng kinakailangang tulong at suporta para sa OFWS at kanilang mga pamilya alinsunod sa diriektiba ng Pangulo.
Una rito, sa inisyal na ulat pumalo na sa 49 na katao ang nasawi sa sunog na sumiklab dakong alas-4:30 ng umaga noong Hunyo 12 sa gusaling nagsisilbing dormitoryo ng mga dayuhang manggagawa ng isang Kuwaiti construction company sa coastal city ng al-Mangaf sa timog na bahagi ng Kuwait city.