-- Advertisements --

Kumitil na ng mahigit 1,002 katao ang tumamang magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar na naramdaman din sa mga karatig na bansa kabilang na sa Bangkok, Thailand.

Umakyat na rin sa 2,376 indibidwal ang bilang ng mga nasugatan.

Karamihan sa mga naitalang nasawi ay sa Mandalay, ang ikalawang pinakamalaking siyudad ng Myanmar at siyudad na pinakamalapit sa episentro ng lindol.

Sa ngayon, nagkukumahog pa rin ang mga rescue workers sa paghahanap ng mga survivor sa Myanmar maging sa Thailand.

Ayon sa isang rescue team, kanilang hinuhukay ang mga nabaon sa gumuhong mga gusali sa Mandalay gamit lamang ang kanilang mga kamay.

Nagpapatuloy din ang rescue operations sa under-construction na high-rise building sa Bangkok matapos itong gumuho kung saan nasa 100 construction worker ang nananatiling unaccounted at 6 ang napaulat na nasawi, ayon sa local government officials.

Kaugnay nito, umapela na rin ang junta government para sa international aid kung saan ang mga karatig nitong bansa na China at India ang ilan sa unang nagpadala ng tulong.