-- Advertisements --
image 249

Tumama ang malakas na lindol sa Morocco nitong gabi ng Biyernes na ikinasawi na ng 820 katao batay sa inisyal na report.

Ayon sa Interior Ministry ng Morocco, ilan sa nasawi sa 6.8 magnitude na lindol ay mula sa Marrakech at karatig nitong probinisiya na Al Haouz. Karamihan sa mga nasawi ay sa mountain areas na mahirap marating.

Habang nasa mahigit 600 katao na ang napaulat na nasugatan sa pagyanig.

Makikita din sa video ang gumuhong mga gusali sa malalaking kabisera at pinangangambahang madadagdagan pa ng bilang ng mga nasawi. Kabilang sa mga nasira ang mga makasaysayang mga gusali.

Ayon sa US Geological Survey, ang episentro ng malakas na lindol ay sa 71 kilometers timog-kanluran ng dinarayong tourist destination at makasaysayang UNESCO World Heritage site na Marrakesh na may lalim na 18.5 kilometers dakong 11:11 pm GMT nitong Biyernes.

Naramdaman din ang malakas na lindol sa coastal cities ng North African country kabilang ang capital ng Rabat at sa karatig nitong bansa na Algeria.

Ito ang itinuturing na pinakamalakas na pagyanig na tumama sa Morocco sa kasalukuyan.

Noong Pebrero 24 ng taong 2004, huling nakapagtala ng malakas na lindol na Magnitude 6.3 sa may al Hoceima sa northern Morocco na ikinasawi ng 628 katao habang 926 ang nasugatan.