BUTUAN CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon sa pagkamatay ng Grade 3 pupil at pagkaospital ng dalawang Grade 5 pupils ng San Isidro Elementary School sa Gigaquit, Surigao del Norte, ilang oras matapos makainom umano ng pangpurga na Albendazole.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni DOH-Caraga Regional Director Jose Llacuna Jr., na nagpadala agad siya ng isang team sa naturang bayan upang alamin ang medical record findings sa pagkamatay ng bata at pagkaospital ng dalawang iba pa.
Ang findings ng Gigaquit District Hospital ay isinumite pa kay Dr. Cheryl Gotinga, pediatrician ng Caraga Regional Hospital, upang masuring mabuti lalo na’t maraming factors na ikinokonsidera.
Dagdag ng opisyal, hindi pa sila makapagbigay ng final diagnosis dahil kanila pang ipinadala sa Food and Drugs Administration sa Davao City ang Albendazole para sa eksaminasyon.
Dahil dito, temporaryo munang sinuspende ng opisyal ang nasabing immunization program para sa Gigaquit upang maprotektahan ang kanilang mga personahe na namimigay ng gamot.
Gayunman, nilinaw nito na hindi ibig sabihin nito na hindi ligtas inumin ang nabanggit na pangpurga.