Tinawag ngayon ng ilang mga eksperto sa United Kingdom na major breakthrough ang pagkakatuklas sa gamot na dexamethasone na epektibo rin pala sa paggaling ng mga pasyente ng COVID-19.
Ang naturang gamot ay mura lamang ang presyo at available na sa iba’t ibang dako ng mundo.
Ang dexamethasone ay bahagi sa tinaguriang world’s biggest trial testing kung saan nag-uunahan ang maraming mga pharmaceutical companies at maraming bansa na makaimbento ng vaccine kontra sa deadly virus.
Ayon sa health correspondent na si Fergus Walsh, ang naturang murang steriod ay ginagamit na noon pa mang dekada saisenta o 1960s para sa dumaranas ng rheumatoid arthritis, asthma at sakit sa balat.
Makikinabang daw sa gamot na ito ang mga mahihirap na bansa na problemado sa COVID crisis.
Sinabi ng mga researchers kung noong una pa man ay ginamit na ito sa paggamot sa mga pasyente sa UK, posibleng naisalba ang buhay ng 5,000 mga kababayan nila.
Lumalabas pa sa pag-aaral na 19 mula sa 20 mga pasyente na may coronavirus ay nakarekober kahit hindi admitted sa ospital.
Sa mga naka-confine naman na severe cases, nakakarekober din daw ang pasyente sa tulong ng gamot kung naka-oxygen o kaya mechanical ventilation.
Maging si Prime Minister Boris Johnson ay mistulang lumakas ang loob at tinawag na dapat lamang magbunyi sa isang “remarkable British scientific achievement.”
Kaya naman titiyakin daw ng kanilang gobyerno na magkaroon ng sapat na supply ng gamot kung sakaling dumanas muli ang UK ng second peak ng COVID-19.