-- Advertisements --
PMA GRADUATION
PMA Graduation

BAGUIO CITY – Nagdududa ang kapatid ng Philippine Military Academy (PMA) hazing victim na si late Cadet 4th Class Darwin Dormitorio sa pagiging seryoso ng akademya sa paglutas sa mga nakabinbing maltreatment o hazing cases na natanggap ng akademya noon pang Setyembre.

Sa panayam kay Dexter Dormitorio, kapatid ni late Cadet Dormitorio, sinabi niya na hanggang ngayon ay karamihan sa mga nasabing kaso ay nananatili pa rin sa loob ng PMA.

Iginiit niya na kung seryoso ang PMA sa pagpuksa sa hazing, dapat ang liderato mismo ng akademya ang mag-initiate ng pagsampa ng criminal charges sa mga kadeteng nagmaltrato sa mga kapwa nila kadete.

Kinuwestiyon din niya kung hindi pa kumbinsido ang akademya na laganap talaga ang hazing doon sa dami ng mga kasong iniimbestigahan nila ngayon.

Aniya, sinasabi ng PMA na isolated case ang nangyari sa kapatid niya pero salungat ito sa 27 reported hazing cases na iniimbestigahan ngayon ng akademya.

Sinabi ni Dexter Dormitorio na dapat tulungan ng PMA ang mga kadeteng biktima ng pagmamaltrato sa pamamagitan ng hindi pagsesekreto sa insidente dahil lumalabas na mas tinutulongan pa ng mga opisyal ang mga maysala.

Iginiit pa niya na bago mag-recruit sa mga kabataang papasok sa akademya ay patunayan at ipakita ng PMA na nilalabanan nila ang hazing.

Nag-iwan pa ito ng mensahe sa mga magulang ng mga kadete sa PMA kung saan sinabi niya na hindi dapat manahimik ang mga ito kung biktima ng pagmamaltrato ang kanilang mga anak para tuluyan ng matigil ang hazing o maltreatment sa loob ng akademya.

Iginiit niya na dapat ang PMA ang natatakot sa mga magulang ng mga kadete dahil hinihiram lamang ng institusyon ang buhay ng mga kadete mula sa mga ito at may liability ang akademya kung may masamang mangyari sa mga kadete.