-- Advertisements --

Dumating na sa Pilipinas ang dalawang tripulanteng Pinoy na nakaligtas sa paglubog ng Gulf Livestock 1 vessel sa karagatang sakop ng Japan.

Sa isang social media post, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakarating sa bansa sina chief officer Eduardo Sareno at deckhand Jay-nel Rosales sakay sa flight ng Philippine Airlines.

“The (two) rescued crew members of Gulf Livestock-1 arrived home today after they were rescued from the capsized vessel that was caught in Typhoon Maysak in international waters in the East China Sea. They were received by DFA,” saad sa post.

Kung maaalala, lumubog ang naturang cargo vessel matapos makaranas ng engine problem kasabay ng pananalasa ng Typhoon Maysak sa karagatan sa katimugang Japan.

Lulan sa sea vessel ang 43 seafarers na kinabibilangan ng 39 Pinoy, at tigdalawang Australian at New Zealander.

Agad na dinala sina Sareno at Rosales sa Kagoshima-ken Kenritsu Ooshima Hospital para malapatan ng lunas.

Kalaunan ay inilipat sila sa Hotel New Amami habang hinihintay ang kanilang pagbalik sa bansa.