-- Advertisements --

Nakauwi na sa Pilipinas nitong Sabado ng gabi ang mahigit sa 200 Pinoy seafarers na nanggaling pa sa Middle East.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nasa kabuuang 208 seafarers mula sa MS Norwegian Jade sa United Arab Emirates ang dumating sa bansa pasado alas-9:00 ng gabi, sakay sa Emirates Airlines flight 334.

Nasa 11,613 Pilipino na ang napauwi mula sa ibayong dagat buhat nang i-repatriate ang mga manggagawang Pinoy sa Wuhan City sa China, na pinagmulan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Una nang iniulat ng DFA na pumalo na sa 651 Pinoy sa ibang bansa ang nagpositibo sa COVID-19, habang may 188 recoveries at 84 fatalities.