Pumalo na sa mahigit 350,000 Pilipino sa ibayong dagat ang napauwi sa Pilipinas dahil pa rin sa epekto ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Foreign Affairs ASec. Enrico Fos, batay sa pinakahuling datos, nasa kabuuang 352,999 Pinoy ang na-repatriate na sa bansa.
Sa nasabing bilang, 25,488 ang napauwi sa unang tatlong linggo ng taon, habang mahigit sa 327,000 naman noong 2020.
Paglalahad pa ni Fos, nasa 70% ng mga repatriated Pinoys ang galing sa Middle East, habang ang iba pa ay nagmula sa ibang mga lugar gaya ng Asia and the Pacific, Americas, Europe, at Africa.
Kung maaalala, nagsimula ang isinagawang mga repatriations noong Pebrero ng nakalipas na taon nang magtungo ang mga miyembro ng DFA sa Wuhan, China upang pauwiin ang mga Pilipinong na-stranded sa lugar.