-- Advertisements --
image 272

Nakatakdang simulan ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang isang opisyal na pagbisita sa Buenos Aires, Argentina bilang paggunita sa ika-75 anibersaryo ng diplomatic relations ng dalawang bansa.

Magaganap ang milestone official visit ni Manalo mula Setyembre 11 hanggang 16 ngayong linggo.

Inaasahang tatalakayin nina Manalo at ng kanyang Argentine counterpart na si Santiago Andres Cafiero, ang lumalalim na Philippine-Argentina cooperation agenda, na kinabibilangan ng kooperasyon sa agham at teknolohiya, partikular sa mapayapang paggamit ng nuclear energy at outer space; technical cooperation sa agrikultura; kalakalan at pamumuhunan at ugnayang pangkultura.

Pag-uusapan din ng DFA chief ang matagal nang bilateral relations at kooperasyon ng dalawang bansa sa multilateral arena sa Consejo Argentina para Relaciones lnternacionales (CARI), ang nangungunang think tank sa Argentina, at ang Universidad de Belgrano.

Ang pagbisita ni Manalo ay nagpapakita ng pangako ng Pilipinas na patatagin ang mas malakas at mas malalim na ugnayan sa Latin America, ang rehiyon na nagbabahagi ng maraming kultural at historical commonalities sa bansa.

Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon sa mahigit isang dekada na bumisita ang isang Filipino foreign minister sa kabisera ng Argentina.

Sinabi ng DFA na ang Pilipinas ang kauna-unahang bansang ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) na nagkaroon ng relasyon sa Argentina.