Iginiit ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo na pinapairal lamang ng Pilipinas ang mga karapatan nito sa tuwing nagsasagawa ng anumang aktibidad sa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ) alinsunod sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ito ang binigyang diin ng Philippine official sa kaniyang speech sa panel discussion kasama si dating Chinese Foreign Vice Minister Fu Ying sa Munich Security Conference.
Aniya, kapag inia-apply ng ibang bansa ang kanilang sariling batas sa ilang mga lugar sa loob ng EEZ ng PH, lumilikha ito ng tensiyon na nararanasan ng bansa sa nakalipas na 2 taon.
Nang matanong naman ang dating foreign minister ng China sa maitutulong nito sa gitna ng pagtindi pa ng tensiyon sa pagitan ng China at PH sa usapin sa Ayungin shoal gayundin sa Escoda shoal, tugon ni Fu na sa kabila ng mga hidwaan sa nakalipas na taon, wala aniyang digmaan na nangyari sa Asya dahil matapos ang Cold war, nagkaroon ang buong rehiyon ng nakapakatatag na consensus na may iisang layunin na i-develop ang ekonomiya at panatilihin ang kapayapaan at stability sa rehiyon.
Hindi na rin aniya bago ang dispute sa pinagtatalunang karagatan subalit inihayag din nito na nababahala ang China sa anino ng US sa likod ng mga claimant. Nakakaalerto umano ito sa panig ng China at may malaking pangamba na mawala ang naturang mga teritoryo at hindi nila kayang mawala umano ang mga ito.
Tinanong naman ng moderator sa naturang forum na si Lynn Kuok si Sec. Manalo kung pabor ito sa pananaw ng dating Chinese foreign vice minister na mapayapa ang sitwasyon sa disputed water.
Sagot naman ni Manalo na walang conflict subalit mayroon aniyang mataas na tensiyon at may posibilidad na tumaas aniya ang mga tensiyon.
Ipinunto din ng DFA chief na dapat sundin ang international law gaya ng napagkasunduan partikular na ang UNCLOS.