Inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na binabalak ng China na mag-donate ng kalahating milyong doses ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines sa Pilipinas.
Ayon sa DFA, sinabi ni Chinese State Councilor at Foreign Minister Wang Yi kay Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang naturang plano sa kanyang dalawang araw na official visit sa bansa.
“The State Councilor informed the Secretary of China’s intention to donate 500,000 doses of vaccines to the Philippines, in keeping with President Xi’s commitment to President Duterte,” saad ng DFA.
Hindi naman binanggit ni Wang kung saang kompanya manggagaling ang mga bakuna, maging kung kailan ito darating sa Pilipinas.
Nasa mahigit 79% ang COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese pharmaceutical firm na Sinopharm, habang ang bakunang gawa ng Sinovac Biotech ay mayroon lamang 60% efficacy sa isinagawang trial sa Brazil, habang 91% naman sa Turkey.
Kamakailan nang sabihin ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na inalok ng Sinovac ang “best price” sa bakuna.
Samantala, sa nangyaring pulong nina Locsin at Wang, sinaksihan ng mga ito ang paglagda sa isang bilateral deal sa Economic and Technical Cooperation nina Finance USec. Mark Joven at China International Development Cooperation Agency (CIDCA) Vice Chair Deng Boqing.
Ito ay isang grant agreement na nagkakahalaga ng P3.72-bilyon na ilalaan sa pagpopondo sa mga livelihood projects, infrastructure facilities, at iba pang mga proyekto.