-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pormal ng binuksan sa publiko ang Department of Foreign Affairs Consular Office sa Kidapawan City matapos ang isinagawang Building Turn-over, Blessing at Inauguration program na ginanap sa Alim Street, Barangay Poblacion, Kidapawan City.

Naging magkatuwang ang tanggapan ni Cotabato 2nd District Representative Rudy Caoagdan, City Mayor at ngayon ay 2nd District Board Member Joseph Evangelista, Regional Development Council (RDC-12), Department of Public Works and Highways (DPWH) Cotabato 2nd District Engineering Office, National Economic Development Authority o NEDA at ang DFA upang maisakatuparan ang pagpapatayo ng nasabing proyekto.

Sa pamamagitan nito mas mapapadali ang pagbibigay ng magandang serbisyo sa pagproseso ng mga pasaporte at agarang maaaksyonan ang mga problemang ipinapaabot ng mga Overseas Filipino Workers lalo na sa probinsya ng Cotabato.

Sa mensahe ni DFA Undersecretary for Civilian Security and Consular Affairs Jesus S. Domingo, isa ang lalawigan ng Cotabato sa may pinakamaraming OFW’s ng bansa kaya mahigit 5,000 applicants sa loob ng isang buwan ang maaring mabigyan ng serbisyo ng opisina ng DFA kaya bilang pagsimula ng operasyon ngayong araw, 30 na mga indibidwal ang nakapag apply upang makakuha ng kanilang passport.

Nagpaabot naman ng suporta at pasasalamat si Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa pamamagitan ni Board Member Ivy Dalumpines-Balitoc bilang representante nito sa mga kawani ng DFA kung saan kanyang siniguro na magiging katuwang ng DFA ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa pamamahagi ng magandang serbisyo sa lahat ng mga Cotabateño.

Lubos naman ang pasasalamat ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa pagbubukas ng nasabing opisina dahil magiging daan ito sa pag-unlad ng kanilang ekonomiya at turismo pati na ang mga kalapit bayan nito.

Dumalo rin sa aktibidad sina DFA Assistant Secretary Office of Consular Affairs Henry S. Bensurto Jr., 2nd District Board Member Joseph A. Evangelista, Former Board Member Rey Pagal bilang kinatawan ni 2nd District Congressman Rudy Caoagdan, Regional Director Teresita Socorro C. Ramos NEDA Region 12 at Acting Chairperson ng RDC 12 at mga City Councilors mula sa lungsod ng Kidapawan.

Magbibigay serbisyo na simula bukas ang opisina ng DFA mula Lunes hanggang Biyernes 10am-6pm na matatagpuan sa Alim St. Poblacion Kidapawan City, katabi ng overland terminal.