Walang masama sa ginawang pagbisita ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Pagasa island o mas kilalang Spratlys island noong Biyernes April 26, 2017.
Ito ang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) kasunod ng pag-alma ng China.
Ayon kay Foreign Affairs spokesperson Robespierre Bolivar na ang pagbisita ng defense chief sa isla ay bahagi ng mandato ng pamahalaan para tiyakin na maayos at ligtas ang mga residente na naninirahan duon.
Sinabi ni Bolivar na ang Pagasa island ay kabilang sa Kalayaan Island Group na isang municipality na bahagi ng Palawan.
Ang Kalayaan Island Group (KIG) ay binubuo ng walong isla at isang reef na target ngayon ng pamahalaan para magtayo ng mga structures at facilities sa mga nasabing isla.
Para sa kalihim, ang pagtungo niya sa isla ay kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte upang alamin ang kalagayan ng mga residente at maging ng mga sundalong naka deploy sa mga isla.
Nasa P1.6 billion na pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa pagtatayo ng mga facilities at structures sa Pagasa island kasama na dito ang pagtatayo ng beaching ramp,runway, fish port, barracks para sa mga sundalo at iba pang facilities.