
Isiniwalat ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Teresita Daza na hinihintay pa nila ang assessement sa pinsala sa kapaligiran sa Rozul Reef sa West Philippine Sea (WPS), ngunit handa ang DFA na suportahan ang mga legal na aksyon na maaaring isampa ng bansa.
Aniya, naiintindihan ng DFA na ang Office of the Solicitor General (OSG) ay sinusuri pa ang mga legal na opsyon na maaaring ituloy ng ating bansa.
Nakahanda ang DFA na mag-ambag sa pagsisikap na ito at gagabayan ng OSG sa nasabing kontrobersiyang usapin.
Nauna nang iniulat ng Armed Forces of the Philippines na ang mga coral reef sa Rozul reef, kung saan nakita ang mga Chinese militia vessels, ay lubhang napinsala.
Sa parehong pahayag, binigyang-diin ni Daza na alinsunod sa 2016 Arbitral Award on the South China Sea, lahat ng Estadong papasok sa exclusive economic zone at maritime zone ng Pilipinas ay obligadong pangalagaan at protektahan ang marine environment ng bansa.
Una nang ipinahayag din ng DFA ang kanilang lubhang pagkabahala sa napaulat na pagkasira at pag-aani ng mga corals sa WPS.
Ang departamento, gayunpaman, ay hindi pa binabanggit kung isang diplomatic protest ang ihahain sa mapapatunayang mananagot sa pagsira sa marine ecosyste sa bahagi ng WPS.