-- Advertisements --

Balak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dagdagan ang budget para sa mga pagpapauwi ng mga Filipino sa Beirut, Lebanon.

Ito ay matapos na umabot na sa $340,000 ang napirmahang budget.

Unang humingi ang Philippine Embassy in Beirut ng budget na nagkakahalaga ng $374,000.

Sinabi ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., kanila munang pag-aaralang mabuti kung kulang ang budget at kung sakaling ito ay hindi sapat ay kanila ito agad dadagdagan.

Nakatakda kasing i-repatriate ng DFA ang mga Filipino sa Beirut matapos ang naganap na dalawang malakas na pagsabog.

Itinakda ang flight na pabalik sa bansa sa Agosto 16 kung saan maaari nilang isabay ang mga nasawing Filipino sa Beirut. Una nang sinabi ni DOLE Sec. Silvestre Bello na sa Agosto 20 ang repatriation at aantayin muna na maalis ang MECQ sa Metro Manila.

Mula pa kasi noong Disyembre 2019 ay umabot na sa 1,508 na Filipinos mula sa Lebanon ang pinauwi dahil sa nagaganap na kaguluhan doon.