-- Advertisements --
image 264

Wala umanong rason para maniwala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa paliwanag ng China na para sa “navigation safety” ang ginawang paggamit ng kanilang coast guard ng laser na itinutok sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ang naturang barko ay nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Foreign Affairs spokesperson Tess Daza, sa naturang insidente ay nakaranas umano ng pansamantalang pagkabulag ang ilan sa mga crew ng BRP Malapascua.

Kaya naman ay naghain na ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China matapos iulat ng PCG na tinutukan ng Chinese coast guard ng “military-grade” laser light noong Feb. 6 ang isa nilang barko.

Kinondena rin ng Pilipinas ang ginagawang “shadowing, harassment, dangerous maneuvers and illegal radio challenges” ng mga sasakyang pandagat ng China.

Itinanggi ng China ang alegasyon at sinabing panukat lang sa distansiya sa ibang sasakyang pandagat ang paggamit ng laser ng kanilang barko.

Nagpahayag naman ng pagsuporta sa Pilipinas ang United States, Japan, Canada, Australia, Denmark, Germany at United Kingdom laban sa mga mapanghamong galaw ng China sa pinag-aagawang teritoryo.