-- Advertisements --

Hinimok ni senatorial candidate at Sorsogon Governor Francis Escudero ang Department of Foreign Affiars (DFA) na agarang magschedule ng flights para sa paglikas ng nasa 380 overseas Filipino workers na nasa Ukraine sa gitna ng banta ng Russian invasion sa naturang bansa.

Kailangan na din aniya na maghanda ang bansa na magbigay ng libreng humanitarian flights para sa mga OFWs at ma-repatriate sila pabalik sa bansa ng ligtas.

Hiniling din ni Escudero sa DFA na i-monitor ang kalagayan ng mga Pilipino na naninirahan sa karatig na bansa ng Ukraine na Belarus at Moldova sa pangambang maaaring madamay ang mga lugar na ito sakaling tumitindi ang tensiyon.

Nauna ng sinabi ni DFA Deputy Assistant Secretary for Public and Cultural Diplomacy Gonar Musor na nakikipag-ugnayan na ang embahada ng Pilipinas na may hurisdiksyon sa Ukraine na nakabase sa Poland sa Filipino community sa Ukraine.

Sinabi ng opisyal na karamihan sa mga Pilipino sa Ukraine ay malayo mula sa eastern border ng Russia at naninirahan sa Kyiv.

Hinihikayat din ang mga Filipino workers sa Ukraine na tawagan ang Philippine embassy at magreport sa anumang untoward incident.