-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Pormal na humingi ng paumanhin ang tanggapan ng Department of Foreign Affairs sa mga kaanak at pamilya ni Jeanelyn Villavende kaugnay sa naging aksyon ng isa sa kanilang empleyado sa kalagitnaan ng libing nito sa bayan ng Norala, South Cotabato.

Ito’y matapos nilapitan umano ng isang babae na nagpakilalang taga-DFA ang mga kaanak ni Villavende at may pinalalagdaan umanong dokumento.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Nelly Padernal, tiyahin ni Jeanelyn, nakasaad sa nasabing dokumento ang special power of attorney para umano sa kaso ng nasawing OFW.

Ngunit napigilan ito ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac matapos malaman ang bahagi ng dokumento na tatanggapin nila ang alok na blood money.

Una nito, inabisuhan sila ng OWWA na hindi sila lalagda ng anumang dokumento, kahit pa sa gobyerno, kung hindi ito galing sa OWWA.

Samantala, hihintayin nila ang dagdag na mga balita mula kay DOLE Sec. Silvestre Bello III kapag lilipad na ito papuntang Kuwait sa Enero 31 upang tingnan kung nakakulong pa rin ang mga employers ni Jeanelyn .

Muli rin nilang ipinagigiitan na hindi nila tatanggapin ang mahigit P59 milyon na blood money na iniaalok ng mga amo ni Villavende bilang kompensasyon sa kaniyang pagkasawi.