Binabaan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alert level para sa mga Pilipino sa bansang Iraq.
Mula sa dating Alert Level 4 ay ibinaba na ito ng DFA sa Alert Level 3, kung saan voluntary na lamang ang repatriation sa mga Pilipino doon.
Ito ay dahil na rin sa bumubuting seguridad sa naturang bansa at kasunod na rin sa request ng mga OFWs doon.
Nauna nang inilabas ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Governing Board ang kanilang Resolution No. 9 series of 2021, kung saan ginagawang exempted sa deployment ban ang mga OFWs na babalik sa Iraq pero subject sa mga kondisyon na nakasaad sa naturang resolusyon.
Kabilang sa mga kondisyon na itinakda ng POEA para sa mga OFWs na babalik sa Iraq ay katibayan na sila ay active worker pa rin, patunay na ang babalikan nilang employer ay ang dati na rin nilang amo, ang kanilang kontrata sa kanilang employer ay alinsunod sa labor laws ng Pilipinas at Iraq, at ang work site ng OFW ay dapat sa labas ng tinaguriang “no-go-zones.”
Gayunman, patuloy pa ring hinihimok ng kagawaran ang mga Pilipino sa Iraq na mag-ingat, limitahan ang galaw sa mga kinakailangan lamang, at panatilihing bukas ang linya ng komunikasyon sa embahada ng Pilipinas sa Baghdad.