Aminado ang Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi nila mapwe-pwersa ang Pinoy workers sa Libya na umuwi ng Pilipinas sa kabila ng pag-akyat sa Alert Level 4 ng sitwasyon doon kaugnay ng lumalang civil war malapit sa Tripoli.
Sa isang panayam sinabi ni Charge de’Affaires Elmer Cato, bukod sa dahilan ng ilang workers na beterano na sa giyera ay may ilang namomroblema rin sa kanilang sahod.
Nabatid ng DFA na maraming Pinoy healthcare workers ang hindi nakakatanggap ng tamang sahod, gayundin na nahihirapan sa remittance.
Sa ngayon may 13 nurses umano ang nagpasaklolo sa Embahada dahil inabot na ng bakbakan ang kanilang pinagta-trabahuang ospital.
Pero, hindi pa rin daw nagpasailalim sa repatriation program ang naturang overseas Filipino workers (OFW) at nanunuluyan lang sa temporary shelter ng Philippine Embassy.
Kaya payo ng opisyal sa mga Pilipinong magmamatigas na manatili sa Libya, agad lumikas kapag nabatid ang presensya ng bakbakan at o di kaya’y tumungo sa tanggapan ng Embahada.
Nauna ng nagbabala si Labor Sec. Silvestre Bello III na ipakakansela ang passport ng mga Pinoy sa Libya na magmamatigas umuwi ng bansa.
Sa huling tala ng DFA, nasa 40 OFW na ang nakauwi ng Pilipinas.
Ito’y lubhang mababa mula sa 1,000 populasyon ng mga Pinoy sa Tripoli.