Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipinong tripulante na sakay ang British oil tanker na M/T Cordelia Moon nang atakehin ito ng missiles ng Houthi rebels sa Red Sea.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, kinumpirma ito ni DFA USec. Eduardo de Vega. Aniya, kanilang agad inalam kung may mga Pilipino na lulan ang naturang barko at sa kabutihang palad ay walang Pilipino ng nadamay.
Sa inilabas na video footage ng pag-atake ng Houthi rebels, naglunsad ng ‘kamikaze’ style attack ang rebeldeng grupo sa oil tanker kung saan gumamit sila ng unmanned explosive-loaded boat.
Muli namang binigyang diin ni USec. De Vega na may karapatan ang mga Pilipinong seafarer na tumangging maglayag.
Sinabi din ng DFA official na nag-isyu na ang pamahalaan ng direktiba sa mga barko na dumadaan sa Red Sea na ipaalam kung may mga Pilipinong crew na tumangging maglayag sa naturang karagatan at maaari silang i-repatriate ng ahensiya.
Matatandaan nauna ng pinagbawalan ng DFA ang mga Pilipinong seafarers mula sa pagsampa sa mga barko na pagmamay-ari ng mga dati ng inatake ng Houthis sa Red Sea at Gulf of Aden matapos mapatay ang isang Pilipinong crew na sakay ng M/V Tutor na inatake ng rebeldeng grupo.