Ipinagmalaki ng Department of Foreign Affairs (DFA) bilang isang mahalagang tagumpay para sa bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia ang pagbabalik sa bansa ni Mary Jane Veloso at marka ng tiwala at pagkakaibigan ng 2 bansa.
Sa isang statement na inilabas ngayong araw ng DFA, pinasalamatan din ni Secretary Enrique Manalo ang gobyerno ng Indonesia sa sinsero at decisive action nito para payagan ang pag-uwi sa Pilipinas ni Mary Jane Veloso bago mag-Pasko.
Naging posible aniya ang napakahalagang araw na ito ng pagbabalik bansa ni Veloso dahil sa generosity ng Indonesian government.
Pinasalamatan din ng ahensiya ang Department of Justice (DOJ) na siyang nakipagtulungan sa DFA at kay dating PH Ambassador to Indonesia Gina Jamoralin at kaniyang team sa pagpaplano ng repatriation ni Veloso.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang DFA kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kaniyang pag-apruba ng kanilang mga rekomendasyon at paggabay para sa kapakanan ni Veloso.
Ngayong araw nga dumating na sa bansa si Veloso makalipas ang 14 na taong pagkakakulong sa piitan sa Yogyakarta, Indonesia matapos mahatulan ng kamatayan may kinalaman sa ilegal na droga.