Pinag-iingat ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasa humigit-kumulang 200 Pilipino gayundin ang mga Pilipinong may pamilya sa New Caledonia sa gitna ng nangyayaring mga riot doon na nagbunsod ng deklarasyon ng state of emergency.
Kaugnay nito, itinaas ng DFA sa Alert level 2 o Restriction Phase ang crisis alert sa naturang Pacific island territory ng France.
Pinapayuhan naman ang mga Pilipino na maging alerto, iwasan munang magtungo sa mga pampublikong lugar at limitahan ang non-essential movement.
Inabisuhan din ang mga Pilipino na imonitor at sundin ang mga guideline na itinakda ng mga lokal na awtoridad.
Maaaring tawagan ng mga Pilipino ang Philippine Consulate General sa Sydney para sa anumang concern sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa sydney.pcg@dfa.gov.ph o kaya ay maaari silang ikontak sa numerong +61 481 728 027.
Una rito, pumalo na sa 7 katao ang napatay habang daan-daang indibidwal naman ang inaresto at malaking bilang ng mga gusali at mga sasakyan ang nasira sa 2 linggo ng gulo sa New Caledonia na na-trigger ng pinagtatalunang electoral reform at pinatindi pa ng economic disparities sa pagitan ng mga katutubong kaanak at mga indibidwal na may European background.
Magtatagal naman ang state of emergency sa naturang island territory hanggang sa gabi ng Lunes, 8pm oras sa France.