-- Advertisements --

Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin na ang Philippine passport ni Alice Guo, matapos na mapagalaman na nakatakas ito ng bansa. 

Ayon kay Hontiveros, dapat gawing null and void agad ang passport ni Guo. 

Kahapon, sa privilege speech ni Hontiveros, ibinahagi nito ang impormasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na pumasok si Guo sa Malaysia noong Hulyo 18 at pagkatapos ay pumunta sa Singapore noong Hulyo 21. 

Giit ni senadora, dapat nung nakumpirma na pineke ang kanyang pagka-Pilipino, kinansela na agad ang pasaporte ni Guo. 

Aniya, ang kabiguang hulihin si Guo ay nagpapakita lamang ng kakulangan ng interagency coordination. 

Nagbabala pa si Hontiveros na hindi niya palalampasin na mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno na kasabwat ni Guo sa pagtakas nito sa paglabas ng bansa.