Kinondena ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kamakailang pag-atake ng Houthi rebels na tinarget ang MV Tutor habang naglalayag sa Red sea.
Ayon sa ahensiya, nangyari ang pa-atake noong araw ng Miyerkules, Hunyo 12 kung saan ilang mga Pilipinong seafarers ang lulan ng naturang barko.
Sa isang statement, sinabi ng DFA na gagawin ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng kinakailangang mga hakbang para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong tripulante at masiguro ang hustisiya. Nananawagan din ito sa member states ng UN para sa pagprtotekta sa karapatang pantao ng mga seafarer.
Tiniyak din ng ahensiya na hindi ito natitinag sa pagsiguro sa kaligtasan at kapakanan ng lahat ng Filipino seafarers sa buong mundo.
Samantala, sa inupload na video ng isa sa mga Pilipinong crew na lulan ng barko na si Emerson Loria, umaapela ang mga lulang Pinoy seafarer ng tulong mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para masagip na sila dahil 2 araw na wala pa rin silang natatanggap na tulong.
Ikinuwento nito na isang unmanned boat na may mga pampasabog ang bumangga sa kanilang bako na may dalang coal na ipapadala sa Israel. Isa aniya sa mga seafarer na nakaistasyon sa may engine room ang nawawala matapos ang pagsabog.
Sinabi din nito na mayroong 22 Pilipinong seafarers na lulan ng MV Tutor kabilang ang kapitan ng barko.
Inilarawan pa niya ang kanilang kalagayan matapos ang pag-atake sa kanilang kinalululanang barko, mas lumalala pa aniya ito dahil sa kawalan ng suplay ng kuryente, kapos na ang kanilang pagkain, gayundin limitado na ang kanilang suplay sa tubig at diesel.