Nakisama rin ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa maraming mga bansa na mariing kinokondena ang terror attacks at mga pagbabanta ng karahasan sa Afghanistan habang nasa kalagitnaan ng malawakang evacuations.
Sa statement ng DFA, ipinaabot din nito ang pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng madugong pambobomba noong nakaraang linggo sa Kabul airport kasabay nang hangad na agarang paggaling sa daan daang mga sugatan.
Samantala dalawa pang mga Pinoy mula sa Afghanistan ang nailikas at ngayon ay nasa United Kingdom na at sa Qatar.
Iniulat din ng Philippine Embassy na nasa Islamabad sa Pakistan, ngayon nasa 211 na ang kabuuang mga Filipinos na na-rescue mula sa magulong bansa.
Liban nito, meron pang walong mga OFW ang sasama na rin sa repatriation effort ng gobyerno ng Pilipinas.
Umaabot pa umano sa 24 na mga Filipinos ang natitira sa Afghanistan.
Sa report ng DFA inaasahang susunod na rin daw ang mga ito na sasama sa mga lumilikas pero sa ibang pamamaraan sila aalis ng Afghanistan.
Una nang inilagay sa Alert Level 4 ng DFA ang Afghanistan, na nag-aatas sa mga OFW na sumailalim sa mandatory repatriation.
“Meanwhile the Philippines strongly condemns the terrorist attacks and continuing threats in Afghanistan,” ani DFA sa statement. “There are now 8 Filipinos intending to join tje government’s repatriation effort.”