Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang tuluyang pagpapa-deport sa 24 na Pilipino mula sa Estados Unidos.
Una nang sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na na-deport ang mga ito dahil sa umano’y kaugnayan sa ilang illegal activities habang nasa US.
Ang deportation ay nangyari mula noong October 2024, bago pa man nanalo si US Pres. Donald Trump hanggang nitong Enero 18, 2025.
Ayon sa DFA, inaasahang masusundan pa ito sa mga susunod na araw habang nagpapatuloy ang paghihigpit ng US sa mga undocumented aliens na naroon, kasabay na rin ng pag-upo ni US Pres. Donald Trump.
Dahil dito, umaapela ang DFA sa mga Pilipino na nasa US na bumalik na sa bansa o asikasuhin ang pagsasalegal sa kanilang pananatili roon.
Apela ng ahensiya, mas nakabubuting hindi na nila hintayin ang US authorities na naghahanap sa mga undocumented aliens upang pwersahang pabalikin sa kani-kanilang bansa.
Mula noong umupo si Trump, ilang serye ng deportation na ang ipinatupad kung saan pwersahang pinabalik ang mga undocumented immigrants sa kani-kanilang pinanggalingang bansa tulad ng Pilipinas, Brazil, Mexico, atbpa.