-- Advertisements --

Kinumpirma na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkakaaresto ng tatlong Pilipino dahil sa umano’y pagi-ispiya.

Bilang tugon, nakikipag-ugnayan na ang DFA sa gobyerno ng China upang malitis nang may due process ang naturang alegasyon laban sa mga nasabing Pilipino at mapairal ang kanilang mga karapatan.

Sa isang statement, sinabi ni Foreign Affairs spokesperson Teresita Daza na batid nila ang mga kaso laban sa 3 Pilipino na kasalukuyang nakadetine sa China.

Subalit hindi pa naglalabas ng detalye ang DFA kaugnay sa mga kasong inihain laban sa nasabing mga Pilipino.

Tiniyak naman ng opisyal na nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang pagprotekta sa mga karapatan at interest ng nasabing mga Pilipino alinsunod sa domestic law at Philippines-China Consular Agreement.

Kasalukuyang nagbibigay na rin aniya ang Consulate General ng Pilipinas sa Guangzhou para sa kinakailangang tulong ng naarestong mga Pilipino kabilang ang kaukulang legal na suporta.

Nauna na ngang napaulat na naaresto ang 3 Pilipino na kinilalang sina David Servanez, Albert Endencia at Nathalie Plizardo.

Si Servanez ay matagal na umanong residente sa China na nahuli matapos na makailang beses na makitang umaaligid malapit sa military facilities habang sina Endencia at Plizardo ay inaakusahang nagtratrabaho umano para mangalap ng mga sensitibong impormasyon.