Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nananatiling miyembro ang Pilipinas ng China’s Belt and Road Initiative (BRI).
Ayon sa DFA, lumagda ang PH sa bagong memorandum of understanding sa Belt and Road Initiative noong nakalipas na buwan ng Enero ng kasalukuyang taon.
Sinabi din ng ahensya na ipinapatupad pa rin ng bansa ang mga proyektong pang-imprastruktura na pinondohan ng Chinese official development assistance.
Matatandaan na una ng sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na iniurong na ng Pilipinas ang 3 malalaking railway projects sa China noong unang bahagi ng Oktubre matapos na mabigo ang Beijing na tumugon sa hiling na pondo sa nasabing mga proyekto.
Nangako kasi ang China ng halos $5 billion para sa konstruksyon ng 3 linya ng riles ng tren kung saan 2 dito ay sa Luzon at 1 sa Mindanao sa ilalim ng Belt and Road initiative na nag-aalok ng loan na suportado ng China para sa malalaking proyekto sa imprastruktura na karamihan ay sa developing countries gaya ng PH.
Ang pag-urong din ng naturang kontrata sa China ay sa gitna ng patuloy na tensiyon sa pinagtatalunang karagatan. Subalit hindi naman binanggit ito ng mga opisyal ng PH bilang rason sa likod ng pag-atras ng PH sa kasunduan sa China.