Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang nasaktang mga Pilipino sa magkasunod na pagsabog ng daan-daang pagers at walkie talkies na ginagamit ng mga miyembro ng militanteng Hezbollah sa Lebanon noong Martes at Miyerkules.
Ayon kay DFA USec. Eduardo De Vega, ang mga napaulat na nasawi ay konektado sa Hezbollah at naniniwala aniya silang walang Pilipino ang miyembro sa naturang militanteng grupo.
Kaugnay nito, muling hinimok ng gobyerno ng Pilipinas ang mga Pilipino sa Lebanon na lumikas na bago pa ganap na mag-escalate ang sitwasyon sa naturang bansa.
Samantala, inihayag naman ni USec. De Vega na may mga Pilipinong matagal ng nasa Lebanon ang hindi makakauwi ng bansa dahil mayorya umano ay household workers na hindi dokumentado. Ang ilan naman sa mga Pinoy na nakabase sa naturang bansa ay skilled workers, mga guro, office workers, hospital workers at nasa hospitality business.
Kasalukuyang nasa ilalim ng Crisis Alert Level 3 ang Lebanon at inaantay ng mga awtoridad ang go signal para itaas ang alert level matapos ang mga insidente ng pagsabog.
Sa panibagong datos, pumalo na sa 37 katao ang napaulat na nasawi sa 2 magkasunod na araw ng pagsabog ng mga pager at walkie talkie na ginagamit ng grupong Hezbollah at halos 3,000 indibidwal naman ang sugatan kung saan ang Israel ang sinisisi ng grupong nasa likod umano ng pag-atake.
Ang naturang mga pager ay napaulat na nagmula sa Taiwan at nakalagay na ang mga eksplosibo bago pa man dumating ang mga pager sa Lebanon.