-- Advertisements --

Mangunguna raw ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa paghawak sa kaso ng Pinay na si Mary Jane Veloso na nasa death row sa Indonesia dahil sa kasong may kaugnayan sa droga.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Susan Ople, ito ay sa kadahilanang ang DFA daw ay mayroong institutional merit at knowledge sa status ng naturang kaso.

Maliban dito, isinasasaalang-alang naman daw nila ang kahalagahan ng pagsasalita na mayroon lamang iisang boses para sa napakasensitibong kaso.

Una rito, ibinahagi ni Ople ang sulat ng mga magulang ni Veloso kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na humihiling na gumawa ng paraan para mapauwi na si Mary Jane sa ating bansa.

Ang naturang sulat ay ipinadala na rin daw sa DFA.

“The letter was brought by the family to the DMW Friday afternoon. But I was out of the office. I was attending the 40th anniversary of POEA at PICC. So, I was able to receive a copy of that letter, noong halos mag-gagabi na on that day,” ani Ople.

Kung maalala, si Veloso ay kasalukuyang nakaditine sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.

Mariin naman nitong itinanggi ang mga kaso laban sa kanya ay sinabling napag-utusan lamang ito na dalhin ang kontabando na nakasilid sa suitcase.

Ang naturang suitcase ay naglalaman ng 2.6 kilograms ng heroin na natagpuan sa kanyang luggage sa Yogyakarta Airport noong 2010.

Sinampahan naman ng reklamo ang kanyang mga recruiter na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao ng human trafficking, illegal recruitment at estafa cases.

Noong April 2015, nakatakda nang isalang sa firing squad si Veloso pero sa mga huling sandali ay umapela noong si dating Pangulong Noynoy Aquino III.

Pinagbigyan naman ito ni Indonesia President Joko Widodo matapos mahuli ang mga recruiter nito.