Nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa UN peacekeepers na United Nations Interim Force in Lebanon (UNIFIL) sa gitna ng nagpapatuloy na pagpapakawala ng air strikes ng Israel.
Ang UNIFIL ay naatasan ng UN Security Council na subaybayan ang paghinto ng hostilities kasunod ng 2006 war sa pagitan ng Israel at Hezbollah sa Lebanon at ang pag-atras ng Israeli forces mula sa southern Lebanon.
Sa isang statement, sinabi ni Foreign Affairs spokesperson Ma. Teresita Daza na mariing kinokondena ng Pilipinas ang anumang aksiyon na naglalagay sa kaligtasan at seguridad ng UN Peacekeepers sa panganib na ginagawa ang kanilang mandato alinsunod sa Charter of the United Nations.
Kaugnay nito, hinimok ng ahensiya ang UN Member States na pagtibayin ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng international law at tiyakin na mapayagan pa rin ang mga tagapamayapa na maisagawa ang kanilang mahalagang trabaho. Iginiit din ng DFA na ang mga paglabag sa peacekeeping mandates ay nakakasira sa rules-based international order at pag-destabilize sa mga rehiyon.
Nananatili din aniyang committed ang DFA sa multilateral cooperation para sa pagtataguyod ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad.