-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa isang uri ng scam na nagbebenta raw ng pekeng travel exemption letters sa napakamahal na presyo.

Sa abiso ng DFA, pinayuhan nito ang publiko na maging maingat sa mga indibidwal o grupong nag-iisyu ng pekeng travel exemption letters at nag-aalok ng travel exemption services sa mga banyagang nais makapasok ng Pilipinas.

Ang nasabing mga indibidwal o grupo ay sinasabing naniningil nang sobrang mahal sa mga banyaga bilang kapalit ng naturang mga dokumento at serbisyo.

Giit ng kagawaran, wala silang kinokolekta na anumang “travel exemption” fee at hindi rin daw sila naniningil sa mga dayuhan para lamang makapasok sa bansa.

“The public is therefore advised to be vigilant and wary of such illegal services or fake documents,” saad ng DFA.

Kasabay nito, umapela ang DFA sa publiko na i-report sa kanila o sa National Bureau of Investigation and the Philippine National Police ang sinumang nasasangkot sa ganitong gawain.

Sa kasalukuyan, nagpataw na ang pamahalaan ng temporary ban sa mga dayuhang biyahero na manggagaling sa halos 30 bansa dahil sa bagong variant ng COVID-19.