Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na siniseryoso nito ang anumang indikasyon ng mga operasyon ng pag-iispiya ng mga dayuhan sa bansa alinsunod sa mandato nitong protektahan ang pambansang seguridad.
Sa isang statement, sinabi ng DFA na nakahanda itong suportahan ang Department of Justice, National Bureau of Investigation, Armed Forces of the Philippines at iba pang kaugnay na ahensiya ng gobyerno kasabay ng paggampan ng kani-kanilang mandato salig sa batas.
Pinagtibay din ng DFA ang pagsasagawa ng mga mandato nito sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyong isinasagawa ng mga ahensiya sa umano’y espionage operations sa bansa ng dayuhan kasabwat ang mga Pilipino.
Ginawa ng ahensiya ang pahayag kasunod ng pagkakaaresto sa pinaghihinalaang Chinese sleeper agent na umano’y sangkot sa mga aktibidad ng pagiispiya sa militar at pulisya.
Matatandaan noong Enero 17, naaresto ang isang Chinese national sa Makati city para sa pagkalap ng mga sensitibong data sa military facilities na naglalagay sa pambansang seguridad sa panganib.