-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mga Russian officials sa bansa matapos na sumiklab ang isang sunog sa Russian Embassy sa Makati City.

Sa kanilang official social media account ay sinabi nitong nabuhayan ang kagawaran nang malaman mula kay Ambassador Marat Pavlov na walang sinuman sa mga kawani ng embahada ang nasaktan sa naturang insidente.

Kasalukuyan na anilang nagsasagawa ng mga hakbang ang Russian Embassy upang tiyakin ang integridad at seguridad ng chancery premises at iba pang mga ari-arian sa loob nito.

Tiniyak naman ng DFA sa Russian Embassy na protektado ang premises nito mula sa mga panghihimasok at kaguluhan, maging sa anumang uri ng paglabag.

Samantala, ipinaabot din ng ahensya ang suporta nito sa mga awtoridad sa mabilis na imbestigasyon hinggil sa insidenteng ito, na naaayon sa mga nauugnay na prinsipyo ng Vienna Convention on Diplomatic Relations.

Gabi ng Pebrero 4 nang sumiklab ang isang matinding sunog sa gusali ng embahada ng Russia na nagsimula umano sa 2nd level ng gusali nito sa Acacia Street sa upscale DasmariƱas Village, na tinatayang nasa hindi bababa P100-milyon ang halaga ng katumbas na idinulot na pinsala nito ayon sa datos ng mga awtoridad.