-- Advertisements --

Ipinatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang isang senior official ng Chinese Embassy sa Pilipinas bilang bahagi ng protesta makaraan ang umano’y “harassment” ng Chinese Coast Guard (CCG) sa isang Philippine vessel na nagsasagawa lamang ng research activity sa bahagi ng West Philippine Sea.

Ayon sa statement ng DFA, nagsasagawa na rin sila ng pag-review sa impormasyon sa naturang insidente para sa paghahain ng panibagong diplomatic action.

Sinabi ng DFA ang hakbang ng gobyerno ng Pilipinas ay gagawin lalo na kung merong paglabag ang mga barko ng China sa soberenya ng Pilipinas at pagsagka sa karapatan ng bansa sa maritime jurisdiction.

Binigyang diin pa ng DFA na anumang illegal activities ng mga dayuhan sa paligid ng Ayungin Shoal ay dapat na maging sentro ng diplomatic protests dahil sa ito ay nasa sovereign rights at jurisdiction ng bansa.

Ito rin umano ay bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf ng Pilipinas na pinagtibay noong 2016 Award sa international arbitration.

“Illegal activities around Ayungin Shoal are subject of diplomatic protests, in the exercise of the Philippines’ sovereign rights and jurisdiction over Ayungin Shoal, which forms part of the exclusive economic zone and continental shelf of the Philippines as affirmed by the 2016 Award on the SCS arbitration,” ani DFA. “On the presence of foreign coast guard vessels around Reed Bank, in the vicinity of the Philippine approved activities around SC 75 and SC 72, as well in the vicinity of the approved joint Marine Scientific Research led by the UP NIGS, are not consistent with innocent passage and are clear violations of Philippine maritime jurisdiction where only the Philippine government has the mandate of enforcement.”

Una rito sa report na inilabas na tinaguriang “Three Rounds of Coercion” ng Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI), sinabi nito na ang China Coast Guard at militia ships ay nagsagawa ng interception sa research vessel ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Second Thomas Shoal, o kilala sa tawag na Ayungin Shoal noong April 21.

Iniulat din ng AMTI na ang barko ng BFAR ay hinabol ng barko ng CCG ng makailang beses.

Dalawa pang mga barko nila kasama ang mga Hainan-based militia vessels ang umeksena rin.

Dahil umano sa serye ng pangha-harass ng mga Chinese vessel, umatras na lamang ang barko ng BFAR hanggang sa dumako sa occupied na Nanshan island ng Pilipinas.

Pero matapos ito, isa namang Philippine Coast Guard vessel, na BRP Cape Engaño, ang hinarass na naman ng Chinese vessels sa natura ding area.

Ang pangyayari aniya nitong nakalipas na buwan ng Abril lalo na sa Ayungin shoal ang kabilang sa tatlong insidente na naganap ngayong taon.