-- Advertisements --

Nagpaabot ng pakikidalamhati ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga biktima at pamilyang naulila sa malagim na trahediya matapos araruhin ng isang itim na kotse ang crowd sa Lapu-Lapu festival na idinaos ng Filipino community sa Vancouver, British Columbia, Canada noong araw ng Sabado, Abril 26.

Sa isang statement, inihayag ng DFA na nakahanda sila kasama ang Philippine Consulate General sa Vancouver para magpaabot ng kaukulang tulong sa mga naulilalang pamilya at makipagtulungan sa mga awtoridad sa Canada para matiyak ang kaukulang suporta na maibibigay para sa mga kababayang Filipino community.

Inaalala din aniya ang nasa isang milyong Fil-Com sa Canada at ipinagdarasal ang kanilang patuloy na pagkakaroon ng kalakasan at katatagan.

Batay sa pinakahuling ulat mula sa Vancouver police, kumitil na ng 11 katao at marami ang nasugatan sa nangyaring ramming incident o pag-araro ng isang kotse sa crowd sa idinaos na Filipino festival.

Ayon sa mga awtoridad, nasa edad pagitan ng lima at 65 anyos ang mga biktima sa trahediya.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang 30 anyos na lalaking suspek na isang residente sa Vancouver.

Nilinaw naman ng Canadian authorities na hindi isang gawain ng terorismo ang naturang insidente.