Nakahanda ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magbigay ng tulong para sa posibleng repatriation ng mga Pilipino sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Sinabi ni DFA USec. Eduardo De Vega na ayon kay PH Ambassador to Israel Ambassador Jun Laylo wala pang Pilipino sa ngayon ang nagpahayag ng interes na umuwi ng Pilipinas matapos ang pagganting pag-atake ng Iran sa Israel dahil nagtitiwala sila sa depensang ginagawa ng Israel forces.
Dagdag pa ng DFA official na sa parte ng Iran mayroong 2,000 Pilipino doon, ang ilan ay kasal sa Iranian national at ang iba naman ay mga professional.
Handa din aniya ang pamahalaan na iuwi ang mga nais ng bumalik ng bansa bagamat karamihan na aniya ng mga Pilipino doon ay Iranian citizens na.
Una na ngang nagpahayag ng pagkabahala ang PH kaugnay sa tensiyon sa pagitan ng Israel at Iran at hinimok ang magkabilang partido na resolbahin sa mapayapang paraan ang hidwaan.
Matatandaan na ang inilunsad na pag-atake ng Iran sa Israel na nagsimula noong Sabado ng gabi ay bilang ganti sa airstrike ng Israel na tumama sa Konsulada ng Iran sa Damascus, Syria noong Abril 1 na ikinasawi ng 7 Iranian military advisers kabilang ang 3 senior commanders.