Nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs sa embahada ng Iran para sa agarang pagpapalaya sa 18 Filipino crewmen na sakay ng isang American tanker na nabihag sa Gulf of Oman.
Ang nasabing barko ay may lulan na 19 katao na kinabibilangan ng 18 Pinoy at isang Greek national.
Maaalalang, patungo sa Turkey ang Marshall Islands-flagged crude oil tanker na St. Nikolas ng biglang sakyan ng apat na armadong kalalakihan na nakasuot pa ng military uniform.
Itinuturing gumanti umano ang Iran sa ginawang pagkumpiska ng US sanctions enforcement operation ng Suez Rajan na mayroong kargang 980,000 bariles ng krudo.
Kinondena naman ng Estados Unidos ang anila’y labag sa batas na pag-agaw at agad nanawagan sa Iran na palayain ang mga sakay nito at payagang makaaalis ang barko.
Samantala, sinabi naman ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, na wala pa silang update kung ano na ang sitwasyon o sinapit ng oil tanker na St. Nikolas subalit patuloy ang kanilang koordinasyon sa manning agency ng mga marinong Pinoy.
Umaasa naman si Cacdac sa tulong ng DFA upang makakuha ng mga update tungkol sa kalagayan ng 18 kababayan.