Umapela si Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo De Vega sa mga Pilipinong may mga kamag-anak sa Myanmar na hindi pa nila natatawagan kasunod ng Magnitude 7.7 na lindol, na makipag-ugnayan na sa naturang ahensiya.
Ito ay upang ma-account ang lahat ng mga Pinoy na naroon, at makagawa ng akmang tugon.
Sa ngayon kasi aniya ay tanging apat na Pilipino ang patuloy na pinaghahanap sa tulong na rin ng mga local rescuers sa Myanmar.
Pero apela ng opisyal sa publiko na may mga kamag-anak pa sa Myanmar o Thailand na hindi pa nila natatawagan o nakakausap kasunod ng lindol na tumawag na sa kaagad sa ahensiya upang maisama sila sa opisyal na listahan ng embahada ng Pilipinas na nakabase sa dalawang bansa.
Maaaring tumawag sa mga hotline number ng embahada ng Pilipinas na nakabase sa Myanmar: +95 998 521 0991.
Bagaman sa inisyal na monitoring ay wala pa namang natutukoy na missing sa Thailand, maaari din aniyang makipag-ugnayan ang mga Pilipinong narito sa Pilipinas na may kaanak sa naturang bansa na hindi matawagan o maugnayan hanggang sa ngayon, sa pamamagitan ng hotline ng embahada na nakabase sa Thailand: +668 1989 7116.
Samantala, nasa maayos na kalagayan naman ang mga Pilipino sa Mandalay na siyang pinaka-sentro ng lindol, batay sa unang accounting at monitoring ng embahada ng Pilipinas.
Kaninang madaling araw(April 1) ay bumiyahe na papuntang Thailand ang unang Philippine contingent na ipinadala ng pamahalaan upang tumulong sa mga biktima ng malakas na lindol.
Mula sa Thailand ay tutuloy ang mga ito sa Myanmar kung saan sumentro ang naturang lindol.
Ayon sa opisyal, masusundan pa ang unang contingent ng isa o mas higit pa sa mga susunod na araw.