Nananatiling committed ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa One China Policy sa gitna ng umiigting na tensyon sa pagitan ng China at Taiwan kasunod ng matagumpay na pagkakapanalo bilang bagong Pangulo ng Taiwan ng democratic politician na si Lai Ching-te.
Una na ngang binatikos ng China si Pres. Lai dahil sa umano’y “separatist” na pananaw nito sa gitna ng patuloy na pag-aangkin ng Beijing sa Taiwan bilang sarili nitong teritoryo.
Sa isang pahayag, muling pinagtibay ng DFA ang mga prinsipyong nakapaloob sa Joint Communique of the Government of the Republic of the Philippines at Government of the People’s Republic of China na nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at Premier Zhou Enlai noong Hunyo 9, 1975.
Ipinaliwanag ng ahensiya na sa ilalim ng Joint Communique nagkasundo ang PH at China na ayusin ang lahat ng mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng mapayapang paraan nang hindi gumagamit o nagbabanta ng paggamit ng puwersa.
Kinikilala din ng Pilipinas ang People’s Republic of China (PRC) bilang nag-iisang legal na pamahalaan ng China at iginagalang ang posisyon ng Beijing na ang Taiwan ay isang mahalagang bahagi ng teritoryo nito.