Muling nagpaalala ang Department of Foreign Affairs sa mga Filipino na iwasan ang non-essential travel sa Israel, Palestine at mga kalapit na bansa sa Middle East dahil sa pabagu-bagong sitwasyon ng seguridad sa rehiyon.
Ayon sa ahensya, ang mga bansang dapat iwasan ay ang mga inilagay ng DFA sa ilalim ng Alert Level 2 o may mas mataas na alert level.
Sa ilalim ng three-tier alert level system ng DFA, ang Alert Level 2 ay ibinibigay kung may mga tunay na banta sa buhay, seguridad, at ari-arian ng mga Pilipino na nagmumula sa panloob na kaguluhan, kawalang-tatag, o panlabas na banta.
Kabilang sa mga tinukoy ng DFA na non-essential travels ay ang tourism visits, pilgrimages, temporary stays with relatives and friends, volunteer work, sports events, entertainment, at mga katulad na aktibidad.
Dagdag pa nito na ang mga ganitong uri ng byahe ay hindi hinihikayat sa ngayon at maaaring isaalang-alang sa ibang pagkakataon.
Dahil dito, nagbabala ang DFA sa publiko laban sa anumang alok ng mga indibidwal, organisasyon, kumpanya, o kumpanyang nag-oorganisa ng mga paglilibot, pagbisita at pilgrimages sa mga magugulong bansa sa rehiyon ng Middle East.
Kung maaalala, unang itinaas ng DFA ang Alert Level 2 sa Israel noong Oktubre ng nakaraang taon kasunod ng naganap na pag-atake ng mga miyembro ng Hamas na ikinamatay ng mahigit 1,200 katao at ang pagdukot sa mahigit 200 Israelis at iba pang mga mamamayan.