-- Advertisements --

Nangako si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na ibabalik ng gobyerno sa lalong madaling panahon ang mga basura mula Australia na dumating sa Pilipinas noong mayo.

Iginiit ni Locsin na wala siyang pakialam kung ang shipment mula Australia ay gagamitin sa paggawa ng semento.

Magugunita na noong Mayo ay dumating sa Tagoloan, Misamis Oriental ang pitong 40-footer container vans na naka-consign sa kompanyang gumagawa ng semento na Holcim.

“O, by the way, the garbage from Australia, that’s going back too. No, I don’t give a flying f**k that it is used in making cement,” saad ni Locsin sa kanyang Twitter account.

Nauna nang sinabi ng Holcim na ang laman ng shipment na ito ay “processed engineered fuel” at malinaw daw itong naka-deklara sa mga dokumento.

Pero ayon sa Customs, ang naturang shipment ay naglalaman ng mga “municipal trash” o iyong mga basurang nakikita sa mga kalsada ng isang munisipalidad.

Ang basura sa Australia ay isa lamang sa mga garbage shipments na dumating sa Pilipinas sa mga nakalipas na buwan.

Una rito, kinondena at binatikos din ng publiko ang mga basura galing sa South Korea at Hong Kong, pati na rin ang ilang toneladang basura mula Canada na kamakailan lang naibalik doon.

Gayunman, nanindigan si Locsin na hindi naman destinasyon ang Manila ng mga basura mula sa mga mayayamang bansa.