-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi pumasok ang Pilipinas sa new model agreement sa China kaugnay sa Ayungin shoal.

Sa isang statement, sinabi ng DFA na wala itong alam sa anumang new model arrangement na tumutukoy ng Chinese embassy.

Sinabi pa ng ahensiya na anumang kasunduan o arrangements ay maaari lamang gawin kapag ito ay awtorisado ng pinakamataas na opisyal sa gobyerno.

Nagpapakita rin aniya ang kapwa pagtanggi ng DND at National Security Council sa umano’y existence ng anumang informal arrangements sa Ayungin shoal na kasinungalingan lang ang narrative ng China.

Dapat din aniyang itigil ng China ang pagpapakalat ng naturang disinformation o insinuation laban sa mga opisyal ng PH na lumilikha ng kalituhan sa mamamayang Pilipino at sa tunay na isyu na kagagawan ng walang basehang claims ng China at mga agresibong aksiyon nito sa naturang karagatan.

Inihayag din ng DFA na masigasig na naghahanap ang PH ng paraan para mapahupa ang tensiyon sa China sa pamamagitan ng nalikhang diplomatic channels.

Kung talaga aniyang seryoso ang China na maayos na mapangasiwaan ang pagkakaiba sa isyu sa karagatan, hinimok nito ang China na ikonsidera ang imbitasyin ng PH na mag convene sa susunod na pagpupulong ng Bilateral Consultation Mechanism sa disputes waters sa lalong madaling panahon.

Ang pahayag na ito ng DFA ay tugon sa inilabas na statement ng hindi pinangalanang tagapagsalita ng Chinese Embassy sa Maynila noong Sabado na nagkasundo umano ang China at PH sa pamamagitan ng AFP western command sa umano’y new model sa pamamahala sa sitwasyon sa Ayungin shoal noong unang bahagi ng 2024.