-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Foreign Affairs na 17 Pinoy pa ang nananatiling naka-detene sa detention facility sa Qatar.

Ito ay kasunod ng pagkaka-aresto sa kabuuang 20 Pinoy na umano’y nakibahagi sa rally bilang pagbibigay-suporta kay dating Pang. Rodrigo Duterte, kasabay ng kaniyang araw ng kapanganakan nitong Marso-28.

Sa panayam ng Bombo Radyo Phils. kay DFA USec. Eduardo de Vega, sinabi niyang tatlo pa lamang sa kanila ang pinapayagang makalabas, na pawang mga menor de edad.

Ang 17 Pinoy na hindi pa pinapayagang makalabas ay maaari aniyang maharap sa tatlong taon na pagkakakulong, bagay na inaasikaso ng pamahalaan ng Pilipinas upang hindi mangyari. Ang mga ito ay binubuo ng 12 na lalake at 5 mga babae.

Ayon kay de Vega, nakatakda rin ang pagsisiyasat sa kanila at maaaring tanungin kung bakit nila isinagawa ang demonstrasyon, gayong sila ay nagtatrabaho sa naturang bansa.

Batay sa huling pag-update ng Philippine authorities sa mga Pinoy na kasalukuyang naka-detene sa Qatar, nananatili umanong nasa maayos ang kalagayan ng mga ito at wala naman silang iniindang anumang medical o health condition.

Pero ayon kay USec. Eduardo de Vega, panahon pa ng Ramadan noong sila ay naaresto kaya’t nahirapan sila sa sitwasyon sa loob ng kulungan dahil sa limitadong pagkain lamang na isinisilbi sa kanila, salig sa isang buwang pag-aayuno(fasting) ng mga Muslim.

Sa kasalukuyan, nakapagpadala na rin ang Pilipinas ng mga abogado na tutulong sa kanila, kasabay ng pagharap sa mga kasong isasampa ng Qatari government.

Muli ring ipinaalala ni de Vega sa mga Pinoy na bumibisita o magtatrabaho sa ibang mga bansa na sundin ang anumang lokal na batas o domestic laws na kanilang ipinapatupad.