Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 20 Pilipino ang inaresto at ikinulong sa Qatar matapos mag-rally.
Ito ay kinumpirma aniya ng Philippine Ambassador sa Doha, Qatar taliwas sa naunang napaulat na 17 Pilipino na inaresto dahil sa umano’y hindi awtorisadong pagsasagawa ng political demonstrations.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, napalaya na ang isa habang 19 ang nananatili sa kustodiya ng Qatar police station.
Saad ng opisyal na kanila ng sinusubukan na mapalaya ang mga natitira pang Pilipino na nasa kustodiya ng mga awtoridad.
Inihayag din ni USec. De Vega na kung sakaling sampahan ng kaso ang mga naarestong Pilipino, magbibigay ang Embahada ng Pilipinas sa Qatar ng legal assistance dahil maaari silang makulong ng 3 taon kung sakali.
Matatandaan na nangyari ang pagdakip at pagkulong sa nasabing mga Pilipino noong Marso 28, dahil sa umano’y political demonstrations.
Bagamat hindi tinukoy ng Embahada ng PH sa Qatar kung ito ay may kinalaman sa malawakang protesta na inilunsad ng mga Duterte supporters kasabay ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Duterte na nakakulong sa Scheveningen Prison sa The Hague, Netherlands, sinabi ni USec. De Vega na posibleng ito ang dahilan kayat sila ay nag-rally.
Muli namang ipinaalala ng DFA officials sa mga Pilipino na nasa Qatar na mahigpit na ipinagbabawal ang lahat ng klase ng political rally kayat dapat na sumunod sa batas at mga kaugalian ng naturang bansa kaugnay sa pagsasagawa ng malawakang kilos protesta at pagpapahayag ng mga politikal na saloobin.